Health knowledge made personal
Join this community!
› Share page:
Go
Search posts:

[Vital Signs Column] Kalayaan

Posted Jun 26 2012 2:32pm

Photo credits: www.digitalphotographer.com.ph

Vital Signs
NURSE'S NOTES
By: Alvin Cloyd Dakis, RN
June 15-30, 2012 Issue
www.vitalsigns.ph/Articles  
At dahil ngayong Hunyo ay ipinagdiriwang natin ang ika-114 na Araw ng Kalayaan ng Pilipinas, nais kong isulat ang aking artikulo sa Pilipino.
Ngayong nasa atin na ang ating kalayaan, masasabi ba nating tuluyan nang malaya ang bansa? Para sa akin kahit hanggang ngayon patuloy pa rin tayo sa pakikibaka tungo sa isang tunay na kalayaan ng bansa. Patuloy pa rin ang ating pakikibaka upang makamit ang isang lipunang lubusang nagtatanggol sa karapatang pantao, malaya sa talamak na pangungurakot sa kaban ng bayan, at isang bayang progresibo maituturing.
Kalayaan sa KatawanIsa sa mga natatanging panukalang batas na naglalayong bigyang karapatan ang mga kababaihan, indibidwal at mga mag-asawa na makapili ng mga paraan upang mapagplanuhan ang pamilya, maturuan ang mga kabataan paano protektahan ang kanilang mga katawan at mabigyan ng serbisyo na akma sa kanilang mga pangngailangan. Ito ay ang RH Bill, na mahigit sampung taon ng nakabinbin sa Kamara. Ang bill na syang mariing tinututulan ng Simbahang Katolika at ilang mga relihiyosong grupo.
Ang RH Bill ay isang panukalang batas na dumaan na sa maraming bersyon at ito’y na i-file na nang maka ilang beses sa iba’t ibang Kongreso at marami na rin ang naging may akda nito. Makailang beses na rin itong hindi naka usad sa Kongreso o nag ala-usad pagong sa bawat taon. Sa Senado naka usad na sa Period of Interpellation ang RH Bill, na ngayo’y nasa Period of Amendments na. Ngunit sa Kamara de Representates hindi pa rin matapos-tapos ang paulit-ulit na debate na paulit-ulit naman na ding nasagot ng maayos, paktwal at base sa karanasan ng mga tao, siyensya, lohika at masusing pag-aaral.
Ang kalayaang makapag-pasya ng walang pag-iimbot at walang pag-aalinlangan na siyang ginabayan naman ng tamang pagtuturo at impormasyon. Paano makakamit ng bawat Pilipino ang natatanging kalayaan na makapag-pasya para sa kanilang mga katawan kung sarado ang isipan natin. Hindi ba tayo nahahabag sa mga buhay na nawawala dahil sa mga pangyayaring maari namang maiwasan gaya ng mga kumplikasyon ng panganganak?
Kalayaan sa katawan? Papunta pa tayo riyan.
Kalayaan sa IsipAng paglilingkod sa bayan ay nangangailangan ng isang bukas na pag-iisip sa lahat ng sector ng lipunan na may iba’t ibang layunin at hinanaing. Ang paglilingkod sa bayan ay nararapat na nagbubukas sa isipan at kamalayan ng bawat sambayanan ukol sa mga transaksyon ng pamahalaan upang sa gayon ay mas maging malinaw ang bawat ginagawa ng gubyerno at ito’y naayon sa mataas na pamantayan at direkta sa taumbayan. 
Ngunit ang kalayaang ito ang syang gusto nating makamit, ang Freedom of Information o FOI Bill ay isang panukalang batas na naglalayong bigyan ang taumbayan ng mas malawak na kapangyarihang suriin at tignan ang mga dokumento o transaksiyon ng gubyerno. Kasama din ng RH Bill, ang FOI Bill ngayon ay matagal na ring nakabinbin sa mga tukador at lamesa n gating mga mambabatas. Sa pamahalaan ni Presidente Aquino, ipinangako niya na sa ilalim ng kaniyang administrasyon ay mapagbobotohan at maipapasa ang mga panukalang batas na ito.
Ngunit nasaan na ang FOI Bill? Lumipas na lang ang mga laban ni Jessica Sanchez at Manny Pacquiao, na-impeach na si CJ Corona pero ang FOI at RH wala pa rin sa eksena. Sa mababang kapulungan, mukhang dapat na may matinding pagtutulak sa mga mambabatas upang kahit papaano’y mapagbotohan man lang ang mga panukalang batas na ito. Aba’y lampas sampung taon na ang mga bills na to at magge-Grade 5 na sa elementarya ngunit nakatunganga pa rin sa Kamara. Huwag naman sana natin pagradweytin ng elementarya ang mga bills na ito para naman magamit na ng taumbayan ang mga benepisyo nito. At please lalong wag naman sanang abutan na ng K-12 na baytang bago pa ang mga bills na ito ay maipasa.
Maraming nagsasabi na ang mga bills na ito ay hindi sagot sa kahirapan, lalo na ang RH Bill. Aba’y tumpak kayo riyan! Dahil ang RH Bill ay ginawa upang tugunan ang mga reproductive & sexual health concerns, ang RH Bill ay para tugunan ang reproductive health at hindi sa poverty. Gayun pa man, lagi kong sinasabi na ang maaga at tamang pagpaplano ng pamilya ay nakakatipid sa mga magulang at nag-nanais na maging magulang, nakakapag-ipon at nakakapaghanda. Ibig sabihin mas matutulungan nila ang kanilang pamilya na hindi dumanas ng mas matinding kahirapan.
Para na rin sa kaliwanagan ng ating mga isipan, ang pagsasagawa ng batas ay magkaiba sa pagpapatupad nito. Ang isa sa mga pinakadahilan kung bakit “mambabatas” ang tawag natin sa ating mga senador at kongresman ay sapagkat ang una nilang layunin ay magsagawa at mag amienda ng batas. Ang pagsasatupad nito ay gawain at responsibilidad ng ibang sangay at opisina ng gubyerno. Kung nais nating maayos na naipapatupad ang mga batas na ito, kinakailangan ang nagkakaisang pagsisikap mula sa lahat ng sektor ng lipunan: gubyerno, pribadong sektor, kababaihan, kabataan, sektor ng may kapansanan, mga matatanda, at lahat ng mga organisasyon upang maisakatuparan ng maayos ang mga batas na ito.
Kalayaan sa isip? Papunta pa tayo riyan.
Kalayaan sa PusoNako eto na yata may pinakamasalimoot na yugto ng aking sanaysay, ang usaping kalayaan ng puso at damdamin. Sa puntong ito ang kalayaan naman ng bawat taong piliin ang kung sino mang ninanais niyang pakasalan dahil ito ay mahal niya. Masalimoot diba? Oo. Dahil sa bansa natin, ang pagmamahal sa kapwa lalake o babae ay isang kathang isip lamang at hindi ito nangyayari sa lipunan. Ang babae at lalake na nagmamahalan ay maaring magpakasal ngunit ang nagmamahalang kapwa lalake at babae ay joke joke lang. Sa Pilipinas, maari kang ikasal ngunit hindi ka maaring makipagdiborsyo, annulment lang dahil mas mahal ito at mas matagal. Tiyak akong bago ka ma-annul ay namuti na ang buhok niyo sa kakaintay.
Ang movement for same-sex marriage sa Pilipinas ay nagsimula ilang buwan ng nakakalipas at ang usapin ng same sex marriage ay isang napakalaking debate sa bansa. Sa aking pananaw naman, ang bawat tao ay hindi secondary sa isa sapagkat sa mata ng Konstitusyon ng Pilipinas, lahat ay may pantay pantay na karapatan. Kung Constitutional Right ang pag-papakasal, dapat binibigyang laya nito ang sinumang nais magpakasal, babae sa lalake o sa kapwa lalake o babae man. Hindi dapat nangingiling ang Konstitusyon kung sino lang ang dapat magpakasal dahil kung ganun, ang Konstitusyon pala ay para lamang sa mga heterosekswal.
Ang pagsasaligal ng same-sex marriage ay hindi naman naglalayong pilitin lahat ng sangkabaklaan, sangkalesbyahan at lahat sa LGBT Community at lahat kahit mga heterosekswal na magpakasal sa kapwa lalake o babae. Ito’y kabaliwan! May mga tao ngang pinipiling maging “single till death” eh, so ibig sabihin hindi lahat ng tao’y nagnanais magpakasal. So, kung maipapasa ang same-sex marriage, binibigyan lamang ito ng karapatan ang mga nasa LGBT community na i-exercise ang kanilang karapatan na magpakasal.
Hindi rin ibig sabihin na naging legal ang same-sex marriage/union ay ibig sabihin na lahat ng simbahan sa buong bansa ay dapat nang magkasal ng mga bakla, lesbyana, bisekswal at mga transgender. Yun lamang mga simbahan o relihiyong organisasyon na pumapayag na magkasal ng mga LGBTs ang gagawa nito.Yung mga ayaw ding magpakasal sa kapwa lalake o babae, edi ‘wag kayong magpakasal sa kanila. Dun kayo magpakasal sa taong gusto ninyo. Kumbaga, sa isang pamosong sawikain pa ay “Kung ayaw mo, huwag mo!”
Kalayaan sa puso? Papunta pa tayo riyan.
Ngayon, sa tingin nyo ay malaya talaga tayo? Tayong mga nakagapos sa kamangmangan, intoleransiya at pagkapanatiko sa maling paniniwala. Tayong baon at lugmok sa isang tiwaling pamamalakad ng pamahalaan. Tayong nakatali sa kadena ng karalitaan. Asan ang kalayaan doon?
Ngunit, naniniwala akong papunta na tayo sa tunay na kalayaan, sa katawan, isip at puso. Sige sige lang ang banat at tiyak bubuwag din ang mga kawing ng kamangmangan, kahirapan at katiwalian. Konting birada pa, FTW!
Original links:  http://vitalsigns.ph/Story.aspx?id=85 http://vitalsigns.ph/Story.aspx?id=84 Mga suhestiyon o reaksiyon? Ipadala nyo sa  Alvin.Dakis@aynla.org    
Post a comment
Write a comment:

Related Searches